Miyerkules, Agosto 27, 2025

Ligalig ng mga Alaala

 

'May isang gabing may ligalig ang mga alaala'

Habang nakahiga ako sa kama, nakatitig sa mga bitak ng kisame na puno ng bakas ng mga lumang araw, hindi ko maiwasang balikan ang bigat at gaan ng mga alaala. May mga gabing kagaya nito na ang simpleng tunog ng gitara, ang malamlam na tinig ng bandang Paper Kites sa kantang "Bloom" ay tila nagiging susi upang mabuksan ang baul ng mga naipong sugat at ngiti. Ang bawat himig ay parang bulong ng mga bagay na hindi ko nasabi, at ng mga tanong na nanatiling nakabitin sa pagitan ng ating mga katahimikan.

Napaisip ako kung bakit ganoon kalakas ang kapangyarihan ng isang alaala. Paano ang isang ngiti, isang salita, o kahit isang tingin lamang ay nag-iiwan ng bakas na parang nakaukit na sa balat? Hindi ito agad nabubura, at kahit lumipas na ang mga taon, may mga araw na biglang babalik—parang hangin mula sa dagat na may dalang alat at lamig, sumasagi sa aking mga balat, humahaplos, pero minsan ay humihiwa rin.

Naalala ko pa ang gabing huli kitang nakita—hindi dahil malakas ang ulan, o dahil puno ng mga ilaw ang paligid, kundi dahil ramdam ko ang bigat ng isang pamamaalam na hindi binigkas ng mga labi. Ang mga mata mo ang nagsabi ng lahat, at ako, nagkunwari na lang na hindi ko naramdaman ang unti-unting pagbagsak ng mundo ko. Siguro ganoon talaga, may mga taong dumadaan lang upang ipaalala na kaya nating magmahal nang totoo, kahit wala sa hulihan ang kasiguraduhan. Ang ingay ng gabing iyon sa pagtapon ng ating mga toga sa kalawakan ay nagmistulang katahimikan pa rin para sa akin. Bakit nga ba? Bakit nga ba hindi kita kinilala?

At ngayong hawak ko itong lumang artikulo, parang muli kong narinig ang sarili kong mga pangako noon—mga pangakong hindi natupad, mga pangarap na iniwan sa pagitan ng mga pahina ng ating kasaysayan. Ngunit marahil, ganoon talaga ang buhay: hindi lahat ng tao ay mananatili, ngunit lahat sila ay may dala-dalang aral at kirot na magtutulak sa atin para maging ibang bersyon ng ating sarili.

Matutulog na lang muna ako, ngunit bago ko ipikit ang aking mga mata, umaasa akong bukas, sa pagbangon, ay mas magaang na ang dibdib. Sapagkat kahit gaano kabigat ang mga alaala, may araw din na matututunan kong yakapin sila hindi bilang sugat, kundi bilang patunay na minsan, may dumaan sa aking mundo na nagbago sa takbo ng aking puso.

At habang unti-unti nang lumalabo ang ilaw ng lampara sa tabi ng kama at patapos na rin ang kanta, parang ganoon din ang pagkalabo ng alaala ng mukha mo—hindi ko na maalala kung ganoon pa rin ba ang kurba ng iyong labi kapag ngumiti, ang singkit ng iyong mga mata sa tuwing magpapakita ang iyong mga ngiti, o baka naman binabago na ng panahon ang anyo ng lahat. Ngunit ang hindi nabubura ay ang pakiramdam, ang bigat ng dibdib na ngayo’y natutong mamuhay na lamang na may bahid ng iyong mga alaala.

The Paper Kites - Bloom

May kakaibang lungkot ang mga gabing tahimik sa tuwing nagpaflashback ang mga panahong dapat ay nakilala kita. Sa bawat tunog ng electric fan, sa bawat paglipas ng segundo, para bang inaapuhap ko ang mga sagot sa mga tanong na hindi kailanman nasagot. Kung babalikan ko, siguro hindi rin natin kailangan ng dahilan para matapos—dahil may mga kwento talagang isinulat lang upang magsimula, hindi upang matapos. Parang isang kanta na hindi kailanman tinapos ang huling linya, nakabitin, bitin, at doon sa bitin na iyon naroon ang pinakamatamis na sakit.At mararamdaman ang mga pagsisisi sa salitang "sana". 

Sa paglipas ng mga taon, natutunan ko ring hindi lahat ng sugat kailangang gamutin. May mga sugat na sadyang mananatili, hindi upang pahirapan tayo, kundi upang ipaalala na minsan, tunay tayong nabuhay—na minsan, may isang taong dumating at binago ang tibok ng ating puso. Ang alaala ay parang tinta sa papel na kahit anong bura, may bakas pa ring naiiwan. Ganoon din siguro ang mga tao: may ilan na maglalaho, ngunit may ilang pangalan at mukha na itatala ng ating kaluluwa na parang lihim na kasulatan na hindi kailanman mawawala.

At kung sakali man na dumating ang araw na muli kong maramdaman ang ganoong klase ng pagmamahal, alam kong hindi na iyon magiging katulad ng dati. Dahil minsan na akong binaha ng isang bagyo ng alaala, at ang iniwan nitong pagkawasak ay nagturo sa akin kung paanong muling tumindig. Ang totoo, hindi ko na hihilingin na bumalik ang mga nawala—sapagkat ang mahalaga, nadama ko, at natutunan kong ang bawat tao ay may kanya-kanyang panahon sa ating mga buhay.

Ngayon, habang isinusulat ko ito, ramdam ko ang bigat ng mga matang gusto nang ipikit. Marahil bukas, sa paggising ko, ang lahat ng ito’y magiging mas magaan. Ang lahat ng alaala ay magiging tila panaginip na lamang, at ako, muling haharap sa araw na may pag-asang kahit saan ako dalhin ng tadhana, may bago na namang liwanag na magpapaalala kung bakit kailangang magpatuloy.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Mga Angel at Demonyo 2.0

Huwebes Santo. Mahal na Araw 2025. Araw ng Panginoon. Araw-araw na pagsamba.  Ano ba daw ang kailangan para magbalik loob sa Diyos? Bakit? ...