![]() |
Isa ka ba sa mga naexperience ang Polbo culture o isa kang Eskinol Master Pogi man? |
Yung pinakamaliit na polbo ng Johnson's and Johnson's in the 90s was a thing. It was the era when men showered their faces with powder due to the extreme heat and humidity of the weather. Nagkaka-pulbusan talaga noon dekada nobenta. And yes, can't even forget your tito jokes na nagmamatapang-tapangan ka at nanghahamon ka ng away when you're saying a dialogue, "gusto niyong pulbusin ko kayo?" when you really meant was sharing your powder with your classmates. That was an instant classic, right?
Noong dekada nobenta, may kakaibang ritwal na sumibol sa mga high school boys—isang kulturang hindi sinasadyang naging simbolo ng kanilang kagustuhang maging gwapo sa gitna ng maalinsangang panahon: ang polbo culture. Hindi ito basta simpleng pagpapapogi; isa itong sining na may kasamang pawis, pulbo, at panyo. Kapag tumindi ang lagkit ng hangin at halos dumikit na sa mukha ang init ng araw, agad nilang huhugutin ang panyo mula sa bulsa, ibabaon sa garapon ng Johnson & Johnson powder, at saka idadampi sa noo, pisngi, at ilong na parang may misa ng kabanalan. Ang resulta: isang tropa ng mga mukhang espasol na sabay-sabay lalabas ng gate, puti ang gilid ng ilong, may bakas ng pulbos na parang mapa ng hindi pa natutuklasang lupain. Mas nakakatawa pa kapag moreno ang isa sa kanila, at tila nagkaroon ng chalk drawing sa mismong mukha niya—doon nagkakatinginan at pinipigil ang halakhak ng mga kaklase at mga dalagang lihim na natutuwa sa kanilang itsura. Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, may kakaibang lambing ang alaala: ang pulbos na iyon ang sandata laban sa init, ang panyo’y naging canvas ng kabataan, at ang pagiging mukhang espasol ay simbolo ng walang pakialam na kapreskuhan.
Minsan may masigasig na sobra ang nilagay, at kapag tumama ang araw sa kanyang pisngi, nagiging instant reflector na halos mablangko ang mukha niya sa sobrang puti. Meron ding mga nagdadala pa ng pulbo sa mismong bag, nakatago sa loob ng medyas o plastik, at tila may emergency kit kapag kailangan na ng “retouch.” At huwag kalimutan—kapag may sayawan o program sa gym, siguradong dagsa ang puting ulap ng pulbos sa CR, parang may nagbuhos ng harina bago magsimula ang programa. Ito ang panahong walang BB cream, walang oil control film, walang filter ng Instagram—kundi pulbos lang at tiwala sa sariling kagwapuhan. Meron naman mga kumpiyansa at hindi nagsasaboy ng pulbo sa kanilang mga mukha, hindi rin papahuli ang kontra-bida sa polbo culture—ang mga tropang Eskinol Boys. ito yung mga naka Eskinol Master Pogi, hindi sila oily dahil sa epekto ng Eskinol. Para kang naka Rico Yan branding kapag nakapaglinis ka ng mukha gamit ang Eskinol, fresh na fresh ang dating kahit sa kainitan ng panahon.
Sila yung tipong magdadala ng Master Eskinol o kaya Sea Breeze na parang alak na inihahalo sa mukha. Pagkatapos ng klase, bubuhos sila ng kaunting likido sa bulak, tapos ipapahid sa pisngi’t noo na parang may inaapulang apoy. Ang ending? Mamumula ang mukha na parang nilitson, habang kumakapit ang hapdi at amoy alkohol na nakakapaso sa ilong. Pero sa kanila, ito ang tunay na linis—ang tagumpay laban sa tigyawat at langis. Madalas pa nga silang nagyayabang: “Walang pulbo-pulbo, Eskinol lang sapat na!” Kahit na sa totoo lang, parang sinampal ng apoy ang itsura nila. Kaya sa hallway, magkakahalo ang dalawang mundo: ang mga mukhang espasol na nilalamon ng pulbos at ang mga pulang-pula ang pisngi na parang nilagnat. Dalawang estilo, parehong nakakatawa, parehong tanda ng ating kabataan.
Inaayawan ang glass skin noon kasi mukhang kakahango mo lang sa harap ng pinipritong sinanggutsang baboy at nagmamantika ang muka. Ngayon yan na ang sikat ang magkaroon ng Korean glass skin na kapag tinamaan ng sikat ng araw ang mukha ay masisinag ang mga mata mo.
Sa tuwing maaalala natin ang eksenang iyon—ang amoy ng pulbos, ang halakhak sa corridor, ang kumpiyansang dala ng kaputian kahit malabo ang execution—mapapangiti ka na lang at sasabihing, “Ganito kami noon, walang filter, walang pakialam, basta’t presko at masaya.”
![]() |
'ang salarin' |
Pero alam niyo ba sa paglipas ng panahon ay ang talc-based baby powder ay unti-unting inalis sa merkado dahil sa seryosong isyu sa kalusugan. Ang talc, na karaniwang ginagamit para sumipsip ng pawis at gawing makinis ang balat ng sanggol, ay maaaring makontamina ng asbestos—isang kilalang sanhi ng kanser gaya ng mesothelioma. Mula pa noong 1970s ay may mga pag-aaral nang nag-uugnay sa paggamit ng talc sa ovarian cancer at iba pang sakit, dahilan para dumami ang mga kaso laban sa mga kumpanyang gumagawa nito, partikular sa Johnson & Johnson. Dahil dito, bumaba ang tiwala ng publiko at maraming retailers ang huminto sa pagbebenta ng produktong ito. Noong Mayo 2020, sinimulan nang alisin ng J&J ang kanilang talc-based baby powder sa U.S. at Canada, at noong Agosto 2022 inanunsyo nilang ihihinto na rin ito sa buong mundo at lilipat na sa cornstarch-based na alternatibo. Pagsapit ng 2023, tuluyan nang itinigil ang global production at sales ng talc-based baby powder, isang hakbang na kumakatawan sa pagbabago ng industriya tungo sa mas ligtas na opsyon para sa kalusugan ng mga mamimili.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento