![]() |
Once upon a time in Pagudpud, Ilocos Norte |
May isang dapithapon na naglakad ako mag-isa sa tabing-dagat. Dumaan ako sa makitid na daan kung saan ang mga damo’y humahalik sa aking mga tuhod at ang liwanag ng araw ay tila dahan-dahang humuhugas sa lahat ng kulay ng paligid. Ang tubig sa ilog ay kumikislap na parang salamin ng kalangitan, tila ba sinasabi sa akin: lahat ay may pagdaloy, lahat ay may pupuntahan.
Umupo ako sa isang batong basa ng hamog at pinakinggan ang tahimik na himig ng paligid. Ang ibon ay naglalakbay pauwi, ang alon ay banayad na humahaplos sa pampang, at ako’y nanatiling nakaupo, bitbit ang bigat ng mga tanong na hindi ko kayang sagutin. Bakit nga ba may kirot sa puso kahit na maganda ang tanawin? Bakit parang mas malinaw ang kalungkutan kapag kaharap mo ang ganda ng mundo?
May alaala akong dala—mga paalam na hindi ko inasahan, mga salitang hindi ko nasabi, at mga oras na hindi na mauulit. Sa bawat dampi ng hangin ay para bang may bumubulong: lahat ng bagay ay lilipas, lahat ng tao ay aalis. At doon ako napapapikit, humihinga ng malalim, sinusubukang tanggapin na may dulo ang lahat, kahit gaano pa natin yakapin.
Ano nga ba ang meron pagkatapos ng hangganan? Alam kong darating din lang naman tayo sa dulo ngunit naiisip ko lang: bakit tayo nabubuhay sa lungkot, galit, at poot? Nakakapagod lumaban araw-araw. Ganito ang nakatakdang misteryo ng mundo sa bawat nilalang, ang bawat pag-ikot ng oras ay walang kasiguraduhan kung kailan tayo babawiin kaya dapat lagi tayong handang mawala. Mawala ng walang pagsisi sa mga araw na inilagi natin sa mundo. Mawala bigla sa isang kisapmata na walang paalam ang siyang pinakamasakit na paglisan. Lagi akong nagpapaalam noon pa man sa tuwing ako'y aalis ng tahanan, ganun din naman ang aking nais na pagpapaalam kapag ako'y lilisan na bago kaharapin ang Dakilang Diyos na mapagmahal.
Ngunit habang tumatagal, natututo akong mahalin ang paglalakbay, hindi lang ang mga rurok o mga dulo. Natututo akong ipagpasalamat ang mga ngiti, ang mga hapunan, ang mga payak na sandali na hindi na mauulit. At kahit alam kong nakakapagod ang araw-araw na laban, may munting ginhawa sa pagkakaalam na hindi ako nag-iisa—sapagkat lahat tayo’y nilalang na lumalakad, nadadapa, at muling bumabangon.
At sa bawat dapithapon, sa bawat aninong humahaba, alam kong may umagang muling darating na dapat nating ipagpasalamat sa Poong Maykapal. Hindi man nito mabura ang sakit, ngunit magdadala ito ng panibagong paghinga—at marahil, panibagong lakas para ipagpatuloy ang paglalakbay habang patuloy ang pakikipagsapalaran sa buhay.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento