![]() |
♫ Step to the farthest side of my dream ♫ |
May mga pagkakataong nakatitig lang ako sa kisame at naririnig ang mahinang ugong ng bentilador, napapaisip ako: paano kaya kung bigla na lang akong mapadpad sa Siargao? Yes yung sikat na isla sa sariling bansa na lagi kong nakikita sa Instagram posts—puno ng niyog, may mga alon na humahampas sa mga surf board ng mga beginner surfers, at mga foreigner na magaganda't naka-bikini. Sabi ko sa sarili ko, “Ay, paano kung liparin ako ng aking panaginip at nasa baybayin na ng Cloud 9, nakatingin sa mga surfer na parang walang takot sa alon, habang ako’y pretty relaxing lang sa white sand ng islang ito ng Siargao. Pinapanood lang ang bawat galaw ng tao, ang mga tanawin at mga nagagandahang lahi sa iba't-ibang dako ng mundo. Ito na ata ang pinakamasayang pagdayo ko sa aking panaginip. Ayaw ko na atang magising.
Habang iniisip ko ang lahat ng iyon, bigla akong dinagit ng imahinasyon ko. Nasa boardwalk na ako ng Cloud 9, habang ipinapakita ang mga perfect barrel waves. Ang hangin, may dalang halimuyak ng alat at konting drama ng dagat, tipong eksenang puwede mong ilagay sa pelikula. At ako naman, nakaupo lang, nagpapanggap na marunong sumakay ng surfboard kahit sa totoo lang, baka sa unang segundo pa lang ay humampas na ang mukha ko sa ilalim ng dagat. Kahit ngayong tag-ulan iniisip ko ang mga bagay na ito sapagkat wala nang mas gaganda pang panaginip kung hindi maligaw ka sa mga isla ng Pilipinas na talaga nga namang natutunan nang ibigin ng maraming dayuhan. Ito nga yung tinatawag nilang "Siargao curse". The Siargao curse is not actually a curse it is where people who visit the island of Siargao find it difficult to leave, often staying longer than planned or returning permanently due to the island's magic, community, laid-back lifestyle, and breathtaking nature.
Lumipat ako sa Naked Island. Wala itong kahit anong drama. Walang puno, walang tindahan ng buko, walang kahit ano kundi buhangin lang at dagat na nag-aagaw ang kulay ng asul at turquoise sa tubig. Doon ko naisip, “Grabe, ganito pala ang tunay na minimalism.” Ang sarap umupo, humiga, at magpanggap na ako’y isang castaway na nagme-meditate habang ang totoo’y iniisip ko lang kung paano ko iinstagram ang ganda ng lugar dito sa panaginip habang hindi ko pala naisama ang aking cellphone sa mala-paraisong panaginip na to.
Pagkatapos, tumalon naman ako sa Sugba Lagoon. Napakaganda, parang pinitpit ng langit ang emerald na kulay at itinapon ako dito. Ang tubig, mala-kristal, at nakapaligid ang mga bundok na mistulang guwardiya ng kaluwalhatian ng lugar. May mga tumatalon mula sa diving board, sumisigaw bago tumalon, habang ako’y nagdadalawang-isip: “Kung sakaling bumagsak ako nang awkward, may chance kaya na isipin nilang freestyle dive iyon?” Pero siyempre, sa imahinasyon, laging maganda ang bagsak. Pero hindi ko gagawin yun, hindi ako tatalon baka bigla na lang akong magising sa panaginip kong ito. Ayaw ko pang umalis.
At hindi pwedeng makalimutan ang Magpupungko Rock Pools. Aba, para itong infinity pool na gawa ng kalikasan, hindi ng mga contractor na naniningil ng milyones at magtatago sa sariling bulsa na galing sa kaban ng bayan. Malinaw ang tubig, kita mo ang bawat galaw ng isda, ang maliliit na hipon at alimango na parang may reality show sa ilalim.
Habang naglalakad ako sa mga daan ng Siargao, nakapila ang mga puno ng niyog sa mapayapang daan. Lahat ng tao, chill. Walang nagmamadali. Walang pakialamanan sa isa't-isa. At ang bawat kanto, may tindang buko juice na parang sinadyang ilagay doon para sa mga gustong magpalamig.
At bigla, bago ko namalayang tuluyan nang nahulog ang puso ko sa isla, dumilat ako. Bumalik ang tingin ko sa kisame. Ang bentilador, umiikot pa rin. Ang alon? Wala. Ang niyog? Wala na rin. Pero sa isip at sa puso ko, ang Siargao ay para bang hindi na lang basta isla—isa na siyang alamat na hindi ko pa nararanasan, pero ramdam na ramdam ko na. At sa susunod, kung papalarin ay hindi na lang siya mamumuhay sa aking mga panaginip.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento