Lunes, Agosto 25, 2025

Super Klasik Tsitsiryas

 

My childhood remembrance of my favorite sari-sari store

Once upon a time, there was a sari-sari store where I truly experienced my childhood past. Sa mga masusugid kong mga readers diyan (assuming kung meron man) ay mapapansin niyong laging nababasa ang tindahan ni Aling Meding. Napakanostalgic nito sa akin dahil sa tindahan akong unang nakisalamuha sa mga tao sa aking komunidad. May dala mang mga listahan sapagkat baka makalimutan ang bibilhin bumubuka pa rin naman ang aking bibig ng "pabili po" sa tuwing walang tao sa tindahan, sabay iaaabot ko ang listahan, bibigyan ako ni Aling Meding ng supot na plastik kapag hindi kasya sa maliliit ko pang mga palad ang aking mga pinamili kagaya ng mga sahog sa ulam, paminta, bawang, sibuyas, kamatis at kung anu-ano pa. Ganun din naman ang utos ni lolo ng sigarilyo at ang bato ng lighter at kapag may tira siyempre bibili ako ng makakain na klasik na tsitsirya o di kaya ay ang plastic balloon na kadalasang nakadisplay sa cardboard na mapapansin sa gilid ng tindahan. Attraction talaga ito sa mga batang katulad ko dahil mahilig kami noon magpalobo gamit ang plastic balloon. Hindi lang pala plastic balloon ang naka display dito meron ding mga tau-tauhan na ginagamit namin sa paglalaro ng tatching at siyempre ang bibilhin kong tau-tauhan ay yung malalaki para mas malaki ang aking gagamiting pamato para sure na win.

Sa kalye namin ako laging nauutusan sa tuwing bibili lamang ng mga kailangan sa tindahan ni Aling Meding pero nariyan ang naranasan kong mahimatay noong nautusan ako at bigla lang akong inapoy ng lagnat at bago ako manghina at mahimatay ay nakauwi na ako sa aming bahay. Tanda ko pa yun at nag-alala talaga ang mga matatanda sa aming bahay lalo na si nanay. Nung nagising na ako at nakabawi na ako ng lakas ay masama pa rin nga ang pakiramdam ko at dahil diyan meron nang nakahandang Skyflakes, Royal Tru-Orange at Vicks Vapor Rub. Yan naman talaga ang ingredients solution ng mga batang 90s kapag ika'y nagka-lamig sa katawan. Masarap ang hagod ng Vicks sa gabi habang hinihilot ka ni nanay at kapag hindi nahuli ang lamig sa aking likod sa gentle massage ni nanay ay dadalhin na ako niyan kila Mang Demet at sasakay na kami ng jeep sa aming kanto. Hindi naman kalayuan ang hilot service nila Mang Demet. Tatawid lang ito ng South Super Highway at mga ilang kilometro lang ay nandun ka na. Eto pa isang klasik na naaalala ko na sobrang nostalgic. Pagpasok namin sa bahay nila Mang Demet ay marami ring mga bata at matanda na nakaupo sa sofa habang hinihintay ang pagkakataon nila na hilutin at magpatawas kay Mang Demet. AM radio ang unang mong mapaparinggan pagpasok, amoy ng kandila kapag nagtatawas at huni ng mga lamok na gumugulo sa tenga mo idagdag mo pa diyan ang mga gamu-gamo sa fluoresent lamp na nagliliparan. May mga bata talagang nagiiyakan kapag hinihilot, ako hindi, kasi gustong gusto ko yung hinihilot ako. Sumasakit lang talaga dun sa parte na hinuhuli yung lamig at pilay mo sa katawan na naglalagutukan at kapag yun ay nadurog sa kakahilot ay unti-unti nang gagaan ang pakiramdam niyo niyan kinabukasan lalo na binilhan pa ako ng take out na Minute Burger sa kanto bago kami umuwi. This was the old school Minute Burger ha, yung meron pa silang tindang Silvanas at Hot Noodles. Bukas siguradong magaling ka na. Bawal lang mabinat.

Sa kalye din papunta kila Aling Meding ako inaabutan ng takot na may halong kilig kapag nauutusan ako sa gabi at katatapos lang ng isang episode ng Magandang Gabi Bayan Halloween Specials ni Kabayan Noli de Castro. Siyempre as a batang kalye tatatak talaga sa isipan mo yung napanood mo at iisipin mo na makakasalubong mo yung napanood mo sa kalsada. May parte pa naman na madillim sa aming kalye dahil pundido ang ilaw ng poste papunta kila Aling Meding, kaya kakaripas na ako ng takbo niyan papunta at doble karipas ng takbo pauwi. Malakas daw kasi ang chance na may magpapakita kapag pauwi ka na. Diretso lang ang tingin kasi baka may makita ka pa kapag tumingin ka sa kanan o kaliwa mo. Kaya pagdating sa bahay hingal ako at nagtatanong naman sila bakit ako hinihingal at pawis na pawis kahit malamig ang gabi. 

Sa tuwing dumaraan ako sa tindahan ni Aling Meding, para bang pumapasok ako sa isang pelikula ng aking pagkabata—isang eksenang paulit-ulit na naglalaro sa aking alaala. Nasa dulo ito ng kalyeng Tuazon sa San Andres, Manila, isang bahay na bato na may maliit na bintana’t lumang tarangkahang laging bukas. Sa harapan, nakasabit ang mga supot ng chichirya, nakapila’t naglalambitin, tila mga banderitas ng piyesta ng murang panlasa. Ngunit hindi lang paningin ang humahagip, kundi pati pandinig at pang-amoy—sapagkat ang tindahan ni Aling Meding ay isang orchestra ng ingay, amoy, at kilig ng simpleng pamumuhay.

Mula sa gilid, rinig ang patuloy na pag-arangkada ng mga tricycle na dumaraan, bawat preno ay may kasamang huni ng bakal na kumikiskis sa kalsada. May sumisingit na tunog ng mga batang naglalaro ng teks, holen, at luksong-tinik, at syempre ang malakas na hiyawan ng mga binatilyong nagbabasketbol sa half-court na katabi mismo ng tindahan. “Last game na!” sigaw ng isa, ngunit alam ng lahat na hindi iyon totoo. Habang pawisan ang mga manlalaro, may ilan namang sabay na bibili ng malamig na Coke sa bote at Tomi, saka babalik agad sa court na may pulbos pa ng espasol sa labi.

Itchyworms - Penge Naman Ako Niyan

Sa hangin, may halong amoy ng nilulutong ulam mula sa mga karatig-bahay—sinigang na may asim na dumadampi sa ilong, pritong tuyo na naglalakbay sa hangin, at minsan, ang malakas na samyo ng pinipritong lumpiang shanghai mula sa kusina ng kapitbahay. Hindi rin mawawala ang klasik na dilaw na kariton ng fishball na talaga nga naman jampacked tuwing hapon dahil sa maraming gustong tumuhog ng masarap na fishball, kikiam, squidball at sawsawan nito. Dinadagdagan pa ito ng bahagyang usok ng sigarilyo ng mga tambay na nakatayo sa harap ng tindahan, may hawak na gin bulag o San Miguel, habang nakikipagkuwentuhan kay Aling Meding na parang kaibigan lang. Sa tabi, maririnig ang tak! tak! tak! ng bote ng Pepsi at Royal na nilalapag sa kahoy na lamesa—mga bote pa noong panahong de-bote ang lahat ng inumin, at isasauli ang lalagyan para maka-discount.

Pagpasok mo sa loob, masisilip ang mga garapon na punô ng kendi, Chocnut, at mga bubble gum na may libreng komiks o sticker. Nariyan ang mga de-lata, instant noodles, sabon, gatas sa lata, at mga 3-in-1 coffee na nakapila sa gilid. Ngunit ang mga batang gaya namin, hindi iyon ang hinahanap—kundi ang mahiwagang hanay ng mga junk food: Humpty Dumpty na kahel (cheese flavor) at maalat-tamis, Club House Crackers na malutong at bagay ipares sa softdrinks, Rin Bee cheese sticks na kumakapit sa daliri ang cheese flavor na siya namang didilaan mo pagkatapos mo ito maubos, Pritos Ring na super crunchy, hot and spicy at ang paraan ng pagkain mo dito ay sinusuot mo sa sampung daliri mo na parang singsing at isa-isa mo itong kakainin, at ang panghimagas na Chocolate Wafer in a gold pack na mura ngunit abot ang sarap ng chocolate. 


Naroon din ang Lemy Lemon Square Biscuit, na ang tamis a lasang lemon ay alaalang baon sa klase, ang super klasik na Lechon Manok chichirya na siya ring puwedeng ulamin at isama sa kanin, at ang Tomi na corn flavor na manamis namis at salty ay isa ring approved chichirya ngmga batang 90s.  Ang Piknik, pero hindi ito yung mahal na Piknik sa grocery na mabibili sa lata Ang Piknik na ito ay cheese flavor at mabibili sa halagang piso. Pero kung gusto ng makulay at masaya, Ice Gem ang pipiliin—na kinakain munang hiwalay ang icing bago ang biskwit. Sa gabi, habang nakatambay, Cornbits at Pompoms ang bida, kasabay ng kuwentuhan. At kapag gusto ng medyo kakaiba, bibili ng Kentucky Chicken flavor curls na para bang instant fried chicken sa bawat kagat.

Hindi mawawala ang palagin kong baon noong kinder ang Hi-Ro biscuits, na nilulubog sa gatas bago kainin; Nips na makukulay at nagdadala ng saya kahit maliit lang ang laman; at Serge Chocolate Milk, isang kartong kayang tapusin ng isang batang pagod sa laro, na parang gantimpala pagkatapos ng isang hapon sa court.

Kaya paborito ng mga batang 90s ang mga ito—sapagkat hindi lamang sila pagkain, kundi simbolo ng panahong kayang mabuo ang ligaya mula sa barya, mula sa simpleng pagbili kay Aling Meding. Ang tindahan na iyon ang naging saksi sa aming mga unang tagumpay, unang hiya, unang tawanan at unang luha. Sa tabi ng court at sa ilalim ng init ng araw, natutunan namin na ang buhay, gaano man kasimple, ay nagiging mas makulay kapag may kaagapay na chichirya at mga kaibigang handang tumawa’t sumalo sa bawat alaala.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Mga Angel at Demonyo 2.0

Huwebes Santo. Mahal na Araw 2025. Araw ng Panginoon. Araw-araw na pagsamba.  Ano ba daw ang kailangan para magbalik loob sa Diyos? Bakit? ...