Bahagya muna natin iiwan ang mga nostalgia writing upang bigyang daan ang issue sa korapsiyon. Minsan lamang tayo magsulat ng mga ganitong post tungkol sa pulitika pero dahil nagkakaroon na ng mini revolution sa mundo ng social media tungkol flood control program na kinukurakot ng mga walang halang na bituka ng mga contracor at pulitiko nais kong isulat ang aking mga hinaing at galit. Nagkataon pang may nakita akong video ng isang lolo na naghahanapbuhay lamang ngunit kinuha ang kanyang kariton kung saan naroon ang kanyang kabuhayan. Mas lalong nagdingas ang aking layunin na magsulat tungkol dito. At sa ganitong paraan mas marami sanang makabasa at malaman ang totoong estado ng bansa sa kasalukuyan,
Para sa akin indi siya nagbabanat ng buto para sa kayamanan, kundi para sa hapag-kainan. Sa isang kariton na de-kalawang, nakalambitin ang pag-asa ng isang pamilya. Doon siya kumakapit— ang kanyang kabuhayan, sa kanyang mga inilalakong laruan, at kung anu-ano pa sa araw-araw Hindi mo nga alam kung magkano lang kinikita ng matanda, bigla pa itong nahila ng mga pulis o mga tauhan ng mga MMDA. Sa video tuluyan nga itong nakumpiska habang nakikipaghilahan pa si lolo sa kanyang kariton ngunit mas marami ang mga taong tanggalan ng kabuhayan si lolo. Para bang ang kasalanan ay ang pagiging mahirap, at ang krimen ay ang magtangkang mabuhay sa sarili mong pawis.
Habang sa mga bulwagan ng kapangyarihan, milyon-milyon ang nilulustay na dapat sana’y pananggalang sa baha. Ang pondo ng flood control program—pumipintig na ugat sana ng bayan tuwing dumarating ang bagyo—naging ginto sa mga alahas, naging mamahaling bag na pang-instagram ng mga anak ng kontratista, naging alak sa baso ng kanilang magagarbong salu-salo. Sa bawat nilustay nilang piso, may isang bangka ng mahihirap na lulubog sa baha. Sa bawat mamahaling sapatos na binili nila, may isang lolo na nawalan ng kabuhayan.
Ganito ang larawan ng ating bansa—kung saan ang dukha’y pinaparusahan, at ang magnanakaw sa gobyerno’y pinararangalan. Walang bagyo ang kasing lupit ng sistemang ito. Sapagkat hindi ulan ang nagpapalubog sa atin, kundi ang kasakiman.
Ang pondo para sa flood control program—na dapat sana’y panangga sa baha, tagapagsalba ng buhay, at lunas sa hirap—naglalaho sa bulsa ng iilan. Hindi mo maririnig ang lagaslas ng tubig na malayang dumadaloy sa estero, kundi ang lagaslas ng salaping dumudulas sa mga kamay ng mga kontratista. Ang mga anak nila, naglalakbay sa Europa, nagpopose sa mga engrandeng kapehan at restaurant sa magagarang siyudad ng Europa, nagmamasid sa aurora ng ibang bansa—samantalang ang ating mga lolo ay pinagmamasdan lamang kung paano binabaklas ang kanilang tanging kabuhayan sa kalsada.
Isang kariton laban sa isang milyon. Isang lolo laban sa isang dinastiya. Ganyan kabigat ang timbangan sa bansang sinakal ng sariling kasakiman. Kung gaano kabilis kumpiskahin ang isang maliit na hanapbuhay, ganoon kabagal ang pag-usad ng hustisya laban sa mga tiwaling kontratista. Ang bata sa kariton, gutom; ang anak ng opisyal, nagtatapon ng pagkain. Ang matanda sa lansangan, pagod; ang mga “princesa” ng proyekto, nagpapalit ng bag na kasing-halaga ng isang maliit na baryo.
At sino ang nagdurusa? Ang taong dapat sana’y binibigyan ng proteksyon. Ang bayan dapat na sana’y nakakaahon tuwing may malalakas na unos. Sa bawat baha, hindi lang tubig ang dumadaloy kundi galit ng sambayanan. Sapagkat ang pondo’y hindi naging pader laban sa delubyo, kundi naging tulay para sa mas marangyang pamumuhay ng iilan.
Ngunit kahit gaano kalakas ang hangin ng kanilang kapangyarihan, may bagyong hindi nila kayang pigilan—ang kapangyarihan ng pagsusulat. Katulad ng Ubas na may cyanide: maliit, tila payak, ngunit nakakayanang lasunin ang dambuhalang halimaw ng katiwalian. Ganyan ang panulat—mahina sa tingin, ngunit kayang tumagos sa buto ng lipunan. Sa simpleng stroke ng pluma, itinumba ni Dr. Jose Rizal ang dambuhalang imperyo ng mga Kastila. Walang baril, walang bala—tinta lamang ang kumitil sa kapalaluan ng mananakop.
At ngayon, sa harap ng mga kontratistang kurakot, sa mga anak nilang nagpapakasasa sa luho habang binabaha ang mga maralita, tayo’y muling tinatawagan ng panulat. Dapat nating ibunyag ang kanilang pangungurakot. Dapat nating ipamukha sa kanila na habang sila’y nagtatampisaw sa magagarbong pagkain at alak, ang bayan ay nalunod sa baha ng kanilang kasalanan. Walang dapat itago. Walang dapat palusutin.
Sa bawat salitang ating sinusulat, parang suntok sa kanilang trono. Sa bawat taludtod ng katotohanan, parang apoy na unti-unting sumusunog sa kanilang marangyang bahay na itinayo sa pandarambong. Huwag nating hayaang takpan ng kumikinang na alahas ang kanilang mga kamay, samantalang iyon ang parehong kamay na nagnakaw sa kaban ng bayan. Huwag nating hayaang ituring nilang normal ang pagbili ng mamahaling bag, samantalang sa lansangan ay may batang namamatay sa gutom.
Ang panulat ay hindi lamang tinta—ito’y sigaw ng bayan. Ito’y alaala ng ating mga ninuno, dugo ng mga bayani, at poot ng mga naiwang binaha ng kasakiman. Kung si Rizal ay kayang itumba ang Kastila sa isang aklat, kaya rin nating yanigin ang mga salot ng lipunan gamit ang ating mga salita.
At sa huli, ang kariton ng isang lolo ay hindi lamang kabuhayan—ito’y sagisag ng ating dangal. Sa bawat pagkumpiska rito, dapat tayong tumindig. Sapagkat ang tunay na baha ay hindi ulan—kundi ang walang habas na pagnanakaw ng iilan. At laban dito, panulat ang ating sandata.